Isinagawa ng National Irrigation Administration (NIA) Region I sa pamumuno ni Regional Manager Engr. Gaudencio "Dennis" M. De Vera ang blessing and ribbon cutting ceremony ng NIA Small Reservoir Irrigation Project Field Office sa bahagi ng Barangay Poblacion, Bugallon ngayong araw, February 8.
Ang konstruksyon ng naturang pasilidad ay nagsimula noong 2020 at natapos taong 2021.
Nagkakahalaga ng 3,919, 760.78 ang kabuuang pondong inilaan ng ahensiya na nagsisilbing extension ng Pangasinan IMO.
Pinangunahan ni Regional Manager Engr. Gaudencio De Vera, Pangasinan IMO Manager, Engr. Gertrudes Helen Viado, Engr. Jose Protacio G. Jumamoy III, Resident Engineer ng Dumuloc SRIP, at Bugallon Municipal Administrator Amado Aquino ang naturang seremonya.
Dumalo din sa programa ang mga presidente ng Irrigators Association ng Bugallon na kinabibilangan ng Porumba IA, Cabigaan IA, Hapobsa IA, Umanday IA, Bolaoen IA at Cayanga IA.
Ayon kay Regional Manager De Vera, mapalad ang NIA dahil sa suporta ng lokal na pamahalaan ng Bugallon sa mga proyekto ng kagawaran na makatutulong sa mga magsasaka ng bayan.
Malugod din nitong ibinahagi sa mga presidente ng IA ang update sa konstruksyon ng Dumuloc Earthfill Dam na kayang patubigan ang 2,600 ektaryang lupa at inaasahang matatapos sa taong 2025.
Binigyang diin ni Engr. De Vera na ang proyektong ito ay para sa mga magsasaka. "Ang proyektong ito ay para sa inyo hindi para sa NIA dahil pagkatapos ng kontruskyon nito ay kayo rin ang makikinabang" dagdag ng opisyal.
Nagbigay din ng mensahe si Bugallon Municipal Administrator Amado Aquino bilang representante ni Mayor Priscilla I Espino.
Aniya, ang mga proyekto ng NIA ang daan upang mapataas ang produksyon ng bayan pagdating sa bigas at maging 'Rice Granary' sa ikalawang distrito ng Pangasinan.
Nanguna naman si Rev. Father Mc Andro Recto Lindingan sa pagbabasbas sa Dumuloc Srip maging sa Temporary Facility sa isinasagawang Earthfill Dam.
Target namang lagyan ng pavilion ang naturang opisina upang doon na lamang isagawa ang mga pagpupulong ng bawat IA ng bayan.