NIA REGION I MANAGER ENGR. GAUDENCIO DE VERA, BINISITA ANG MGA IRRIGATION PROJECTS SA PIDDIG ILOCOS NORTE

BINISITA ni National Irrigation Administration (NIA) Region I Manager Engr. Gaudencio De Vera ang mga irrigation projects sa bayan ng Piddig sa Ilocos Norte.

Una itong nagtungo sa Solar Pump Irrigation Project(SPIP) ng barangay Libnaoan  kung saan personal niyang nakausap ang magsasakang si  Mang Ramon Domingo.

Kuwento ng magsasaka kay NIA Region 1 Manager Engr. De Vera, dati umano ay umaabot ng 200 litro ng krudo na nagkakahalaga ng 700 piso ang kanilang nagagastos upang patubigan ang kanilang mga pananim.

Ngunit dahil umano sa solar pump irrigation project (SPIP) ng gobyerno na kayang patubigan ang aabot sa 50 ektaryang bukid sa barangay,  malaking tulong ito sa mga magsasaka at malaking kabawasan sa kanilang gastusin.

Kasunod nito ay binisita din ni Engr. De Vera ang SPIP sa barangay Maruaya kung saan sinalubong ito ng miyembro ng irrigators association. Sa kanilang pag-uusap inalam nito ang maari pang maging tulong ng NIA sa mga magsasaka ng Piddig.

Nasa 30 magsasaka na nagtatanim ng tobacco, mais, monggo, mani at iba pa ang benepisyaryo ng irrigation project sa lugar. Kasama ni NIA Region I Manager Engr. Gaudencio De Vera sa pag-iikot si ISIMO Manager Engr. Weynard Untalan, Harvey Adap ng Municipal Agriculture Office ng Piddig at Engr. Christopher Jacinto ang Municipal Engineer ng bayan.

Layunin ng pagbisita ni Engr. De Vera ay makita ang kalagayan ng mga magsasaka ng Piddig nang matulungan mapaangat at maialis ang mga ito sa hanay ng mahihirap na mandato ni Pangulong Ferdinand "Bong Bong" Marcos Jr. kay NIA Acting Administrator Eduardo Guillen.